• Kabayan Magazine

SA MATA NG ISANG MARINO: A Seaman's Journey to Success

VOL. 1 NO. 1 DECEMBER 2018


BY: MARY JANE GONZALES & DANNA THEL PULONG | PHOTOS BY: SHARA JANE ESPINA

PHOTO BY: SHARA JANE ESPINA

Bawat tagumpay ay may kaakibat na sakripisyo, at bawat sakripisyo ay may dahilan. Ganitong inilarawan ni Antonio Christopher "Sec" Zabala ang tagumpay na nakamit niya sa pagsi-seaman ng mahigit 20 taon. At ang kwento sa likod nito ay ibinahagi niya sa Kabayan.


Tubong Leyte si second mate Sec, pero hindi niya agarang naisip na maging seaman. Sa katunayan, ang kanyang Nanay Luz ang nagpayo sa kanya na mag-seaman. "Hindi ko pa noon alam kung anong kukunin ko pagtapos ng high school," sabi ni Sec.


Kinuha ni Sec ang kursong Marine Engineering sa Leyte Institute of Technology. Nagkaroon siya ng pagkakataong mag-apprentice sa vessel na MV Leyte Queen ng isang linggo. "Isa ako sa mga nag-duty sa engine room ng barko. Dahil maliit ang barko, maliit lang din ang pasukan papunta sa engine room. Sobrang ingay din doon at madalas, nabibingi ako sa ingay. May mga kalahating oras din bago bumalik sa normal ang aking pandinig," kwento ni Sec tungkol sa mga paghihirap na naranasan niya sa napasukang trabaho.


Sa takot na baka tuluyan siyang mabingi kung magpapatuloy pa siya sa engine room, kumuha si Sec ng ikalawang kurso sa Nautical Science sa Palompon Institute of Technology para makahanap ng ibang trabaho. "Sa Nautical Science kasi, nasa deck ang trabaho at wala sa tabi ng engine. Pagka-graduate ko ng Nautical Science, tinanong ako ng uncle kong nakaupong kapitan sa New Filipino Maritime Agency kung sasakay na ako [ng barko]. That time, wala pa akong plano kaya pumasok ako sa ibang kompanya," sabi ni Sec.


Sa bago niyang pinasukan, umasa siya na giginhawa na ang kaniyang buhay at makakapag-ipon na siya. "Apat na taon ding parang walang nangyayari sa buhay ko. Pagkasahod ko, nauubos agad. Kaya naisip ko 'Sige na nga, magsi-seaman na ako," sabi ni Sec.


PAGSUBOK AT TAPANG


Kasama sa buhay marino ang pagtapang sa malalakas na hangin at hampas ng mga alon. Nariyan din ang hamon ng pagdadala ng sarili. Lahat ng ito ay hinarap ni Sec nang may lakas ng loob. "Kailangan talaga buo ang loob mo at hindi iyong konting napagalitan ay susuko ka na. Noong kadete ako, kapag napagalitan ako, lumalabas at nagsisigaw ako. Kapag nailabas ko na iyon, nagiging okay na ako," sabi niya.

May mga seaman na nag suicide dahil daw sa pressure sa trabaho at pagka-homesick. Natuto si Sec na kayanin ang mga pagsubok sa pamamagitan ng pag aliw sa sarili. "Malaking tulong ang pagbi-videoke sa deck o panonood ng mga telenovela at iba pang mga programa para makaiwas ng pressure," payo niya. Madalas din niyang kinakausap ang kaniyang pamilya para hindi siya ma-homesick.


Sa ibang banda, kung may mga pagsubok na madaling dalhin ay mayroon ding mabigat na pasanin. Sa ganitong punto, may mga naging gabay si Sec upang mapalayo sa kabiguan - mga karanasan at mga taong nagtulak sa kanyang magpatuloy bilang isang seafarer.


Una na rito ang kanyang mga kapatid na sina Efren Antonio Zabala, ang Chief Cook sa Magsaysay Shipping Lines, at si Lyn Zabala, ang General Manager ng JMCL Media and Marketing Services. Si Ate Lyn, kung kanyang tawagin, ang naging tagapayo ni Sec noong akala niya ay mawawalan na siya ng karera dahil sa isang maling desisyon. "Huwag kang pangunahan ng takot at manalig ka lang sa Diyos" ang payo ng kanyang Ate Lyn na pinanghahawakan ni Sec magpahanggang ngayon.


"Natatandaan ko pa rin yung sinabi ng instructor namin na dapat ang seaman ay mag-ingat sa pera. Ang seaman daw ay parang water lily. Kapag nasa dagat, ang taba niyan. Pero 'pag inalis mo 'yan at ilagay sa lupa ay malalanta," sabi ni Sec.


Isa sa mga masasakit na katotohanan para sa mga OFW at seafarers na kagaya ni Sec ay ang makihalubilo sa mga taong nanghihiram ng pera. Akala ng karamihan na bilang isang OFW na kumikita ng dollars, malaki ang sahod at nakakaipon ng marami. Dapat nating tandaan, lalo na ng mga may kamag-anak o kakilalang OFW, na hindi porket OFW o seaman ay may pera anytime. Nakadepende pa rin iyon sa mga proyektong makukuha ng isang seafarer o kung gaano siya matatagalan sa pagsakay.


PARA SA PAGMAMAHAL


Para sa 49-taong gulang na marino, alam ni Sec na mainam na laging alalahanin kung bakit ka nagbabarko. Sa bawat dahilan ay dapat napakaloob ang pinanghahawakang pagmamahal. Ang mga ito ang unang nagbibigay direksyon at saysay sa kanyang pagsasakripisyo. "Binata pa ako noong nagsimula ako sa pagsi-seaman. Tapos pinansin kong parang walang pinupuntahan ang buhay ko, kaya nag-asawa ako. Noong nakikita ko na malalaki [at maayos ang buhay] ng mga anak ko ay naiisip ko na dahil iyon sa pagsisikap," kwento ni Sec.


Christopher Zabala's Family: (Standing L-R) Alliah Christelle, Andrei Christian, Alda (wife), Anthony Chris (sitting)

Sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan niya, ang pinakamahirap na bahagi ng pagiging seaman ay ang pagkawalay niya sa kanyang pamilya at mga anak. "Kapag aalis na ako, parang nadudurog ang puso ko na iiwanan ko ang pamilya ko. Noong AB (Able-Bodied Seaman) pa ako, baby pa 'yong anak kong babae (Alliah Christelle, 14 taon na ngayon). Haharangan pa niya ako sa pinto at sasabihan ako ng 'Papa huwag kang umalis.' Kahit papaano naluluha ako kaya sinasabi ko, 'Anak kung dito lang ako ay hindi tayo mabubuhay. Kaya ako umaalis para sa inyo.' Ngayon second mate na ako, ang problema ko naman ay ang bunso kong lalaki na si Anthony Chris (7). Kapag aalis ako, tatawag sa akin iyan habang umiiyak. Minsan 'pag umaalis ako, hindi na lang ako lumilingon kasi hindi ko na gugustuhing tumuloy. Mahirap mag-seaman kasi hindi mo nagagabayan ang mga anak mo. Minsan nga sa panganay (Andrei Christian, 18) ko ay parang nagiging estranghero ako," sabi niya.


Para kay Sec, swerte nang matatawag kung may anim na taon silang magkakasama ng kanyang pamilya. Para sa isang seaman, mas matagal ang panahong nasa barko ka kaysa sa panahong kasama mo ang mga mahal mo sa buhay.


Pero kung tatanungin si Sec kung may babaguhin pa siya sa sitwasyon niya at mga pinagdadaanan, aniya ay wala na dahil sa trabahong ito, naibibigay niyang maayos ang pangangailangan ng kanyang pamilya.


Sa ngayon ay nakapokus si Sec sa pagkamit niya ng promosyon. Mayroon na siyang Certificate of Competencies para sa mga Master Mariner na nangangarap maging Chief Mate o di kaya'y Kapitan. "Ang success talaga, pinaghihirapan at hindi inaambisyon lang. Kailangan talaga ay gawin mo para ka maging successful," payo ni Sec. [K]


312 views0 comments