• Kabayan Magazine

PAGDAIG SA DISTANSYA: Ang kwento ng Pag-ibig nina Jon Valencia at Anne Bañadera

VOL. 1 NO. 2 MAY 2019

BY: AGNES CASTILLO & CHRISTIAN FRANCIS ANTONIO

Noon pa man, ayaw na talaga ng modelong si Anne Bañadera ang magtrabaho sa ibang bansa. Kahit na nabigyan siya ng pagkakataon na maging cabin crew sa isang sikat na airline, agad niya rin itong tinapos at mas piniling pagsabay-sabayin ang iba't ibang trabaho sa Pilipinas.


Ngunit nagbago ang kanyang pananaw sa pagtatrabaho sa ibang bansa nang maka-relasyon niya ang isang disc jockey na si Jon Valencia.


Nagkakilala ang dalawa nang maging pasahero ni Jon si Anne noong nag-aalok pa si Jon ng car rental service tuwing rush hour sa Makati noong taong 2011. Aminado ang dalawa na nagustuhan nila ang isa't isa noong una pa lamang silang nagkita. Nagpalitan agad sila ng contact details, nguni't umabot ng limang taon bago naging ganap na magkaibigan si Jon at Anne.

Isang araw noong Enero 2016, sinubukan ulit ni Jon na mag-message kay Anne.


"Five years na tayong friends sa FB pero five years mo na rin akong dine-deadma," aniya ni Jon.


Inamin ni Anne na natawa siya sa ipinadalang mensahe ni Jon kaya naman pumayag na siyang maging kaibigan nito.


Si Jon, na nagtatrabaho bilang DJ sa Macau noon, ay inamin na madalas siyang mag-dasal at magsimba noong napapadalas na ang pag-uusap nila ni Anne.

"God, kung ibibigay ninyo sa'kin si Anne, ibigay po ninyo. Kapag binigyan ninyo ako ng chance, magbabago po ako. Magpapakatino po ako. Hinding-hindi ko siya sasaktan pag binigay ninyo po siya sa'kin," wika ni Jon.


Matapon ang isang buwan, nagbunga ang pagdarasal at panliligaw ni Jon at sila ay opisyal na naging magkasintahan.


Isang buwan ulit ang nakalipas noong napagdesisyunan ni Anne na magbakasyon sa Macau para makita ulit si Jon. Doon ay bigla na siyang inalok ng kasal ni Jon at pumayag naman si Anne. Umuwi sa Pilipinas ang magkasintahan, nguni't makalipas ang ilang linggo, kinansela ni Anne ang plano nilang pagpapakasal dahil hindi pa raw siya sigurado kung handa na siya. Tinutulan naman ito ni Jon at agad niyang iniwan ang lahat ng kanyang responsabilidad sa Macau para sundan ang kaniyang minamahal na si Anne hanggang Maynila.


Matapos ang ilang buwan ng pagsasama, inaya ni Jon si Anne sa isang malaking DJ event sa Marinduque na halos tumagal ng tatlong araw. Sa huling araw ng event, dinala ni Jon si Anne sa gitna ng club habang may tumutugtog na mga love song. Naglakas loob muli ang binata na muling hingin ang kamay ng dalaga at hindi na tumanggi si Anne.


Mga Pagsubok at Sakripisyo


Pagsapit ng Mayo 2016, nalaman ng dalawa na nagdadalang tao si Anne kaya naman napagdesisyunan ng mag-asawa na bumukod ng bahay. Aminado si Jon na sila ay nahirapan dahil nagsimula sila sa wala at hindi sila nakatanggap ng tulong sa kahit kanino.


"Pinilit ko talaga na ibukod siya kahit sa maliit na apartment lang para mapakita sa pamilya niya na seryoso ako sa pagbuo ng pamilya," aniya ni Jon.


Napilitang magpabalik-balik si Jon sa ibang bansa para masuportahan ang kanyang pamilya. Inamin niya na nahirapan siyang makakuha ng regular na trabaho.


Ngunit sa tulong ng mga kaibigan na nakilala sa ibang bansa, nakaipon si Jon ng halagang P50,000 kung saan ginamit nila ito upang makapagpatayo ng spa sa Makati. Sa kasamaang palad, nalugi ito hanggang sa magsara.



Noong Disyembre 7, isinilang na ang panganay nilang anak na pinangalan nilang Jon Kyrie. Dahil dito, napag-isip-isip ni Jon at Anne na kailangan na nilang makahanap ng tiyak na mapagkukunan ng pera para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Matapos ang tatlong buwan mula noong nanganak si Anne, ang mag-asawa ay sabay na lumipad papuntang Macau upang makapaghanap ng trabaho.


Si Anne at Jon kasama ang anak na si Jon Kyrie

Binigyan si Anne ng trabaho ng kanyang kaibigan bilang isang ambassador at waitress sa Macau. Sa kabilang banda, nahirapan naman si Jon sa paghahanap ng trabaho at sinuong niya ang iba't ibang trabaho, tulad ng pagiging kargador, dishwasher, tagakabit ng kable at banderitas, at mascot, para lang matustusan ang pangangailangan ng kanyang mag-anak.


"May mga oras na suot ko yung mascot, napapasaya ko 'ang ibang bata, pero yung sarili kong anak, hindi ko makarga o mapasaya," sabi ni Jon.


Matapos naman ang ilang buwan, napagdesisyunan ni Jon maghanap ng trabaho sa bansang Thailand habang ang kanyang asawa si Anne ay maiiwan sa Macau. Pagkatapos mag-audition sa iba't ibang club, nakakuha rin ng maayos na trabaho si Jon. Pinatigil niya na sa pagtatrabaho si Anne upang maalagaan ang kanilang mga anak sa Pilipinas.

Hindi naglaon, sa kagustuhan niya pa na makahanap ng mas magandang trabaho, sinubukan ni Jon na lumipad naman sa Cambodia. Pagdating doon ay mas sinubok siya dahil sa mas maliit niyang suweldo at pinaka mababang sahod na kanyang natanggap na naging ugat narin ng madalas nilang pag-aaway. Kaya naman upang madagdagan ang kanyang ipinapadala, naisipan niya na rin magtinda ng mga lutong ulam sa mga kapwa Pilipino na nagtatrabaho doon.


Pagbangon at bagong biyaya


Dumaan muna sa butas ng karayom si Jon, nalagpasan niya naman ito ng makakuha siya ng magandang trabaho noong nag-apply siya sa isang negosyante na nagmamay-ari ng iilang club sa Cambodia. Dahil sumasahod na siya ng higit pa sa isang regular DJ, naging madalas na ang pagpapadala ng pera ni Jon kay Anne hanggang sa mabayaran nila ang kanilang mga utang.


Noong papalapit na ang ika-unang kaarawan ni Jon Kyrie, nagpadala si Jon ng perang pang-birthday party para sa kaniyang anak. Pero naisip ni Anne na mas magandang ipagdiwang ang kaarawan ng kanilang panganay kung sila ay magkakasama. Kaya naman bumili si Anne ng dalawang tiket papuntang Cambodia para sorpresahin si Jon sa club na kanyang pinagtatrabahuan.


"Tinawag si Jon, tapos pagbaba niya, sobrang nagulat siya na nandoon kami. Tapos naiyak pa siya. Niyakap niya kami ng mahigpit. Tuwang tuwa siya, hindi niya alam ang gagawin," Sabi ni Anne.


Kahit na anak nila ang nagdiriwang ng kaarawan, sinabi ni Jon na iyon na ang "best birthday present" na kanyang natanggap.

Bukod pa rito, pinagkalooban din ng trabaho si Anne bilang General Manager ng club na pinagtatrabahuhan din ng kanyang asawa. Inayos din ang visa nila at binigyan ng matitirhan. Matapos ang ilang buwan, sumunod na ang ilang kaanak ni Anne sa Cambodia. Noong pinagbubuntis ni Anne ang pangalawa nilang anak na si Janiah Kaira, napagdesisyunan niya na umuwi muna ng Pilipinas upang makatipid sa gastos.

Si Anne at Jon kasama ang mga anak na si Jon Kyrie at Janiah Kaira

Sa kasalukuyan, nagbabalak na ang mag-asawa na manirahan sa Cambodia habang nagtatrabaho si Jon upang sila ay makaipon. Pag-uwi nila ng Pilipinas, iniisip ni Jon na magtayo ng sarili nilang negosyo. Nais na ring magpakasal ng magkasintahan sa pagsapit ng taong 2022. Ayon sa magkasintahan, importante na may tiwala at komunikasyon sa isa't isa para mapanatili ang relasyon.


"Kahit anong pinagdaraanan ninyo, dapat pagkatiwalaan ang partner niyo. Tsaka dapat nakikita rin. Kaya nagkaroon ako ng tiwala sa kanya ay dahil sa ipinakikita niya rin sa'kin lahat ng ginagawa niya. Gradually, nabuo tiwala ko sa kanya," sabi ni Anne.


"Hindi naman mawawala ang hindi pagkakaintindihan," aniya ni Jon. "Pero upang maiwasang lumaki ang away, dapat ay habaan ang pasensya at pagkakaintindi para sa isa't isa at maging mapagkumbaba."


Pagdating naman sa pag-iipon at pagpapadala ng pera habang nasa ibang bansa, sinabi ng dalawa na kinakailangang nakatuon sa isang layunin at may sinusundan silang budget.

"Magfocus ka sa goal mo. Magmula ng naging kami, ang goal ko ay mabigyan ng magandang buhay sila Anne. hindi ka malilihis pag naka-focus ka sa goal mo, pag yung faith mo ay na kay God. Sa mga tulad kong OFW, ilang beses akong nag-try hindi madali lalo sa Middle east. Maraming failures pero pag OFW, dapat buo ang loob mo," sabi ni Jon.


"Ang buhay abroad ay hindi panghabambuhay. Habang malakas pa ang katawan mo, dapat matapos mo 'yung mga kailangan mong gawin dahil hindi habambuhay kang malakas." [K]


51 views0 comments