• Kabayan Magazine

ILLEGAL RECRUITMENT - Ano ang dapat kong gawin?

BY: ATTORNEY KAYELYN LAT


"Hi Kabayan! Ano po ang dapat kong gawin kung malaman ko na illegal recruiter pala ang aking napasukan?" - Sharmaine, Domestic Helper (Hong Kong)

Dear Kabayan,


Bago tayo magtungo sa iyong katanungan, alamin muna natin kung ano nga ba ang illegal recruitment at anong kaparusahan dito. (Revised POEA Rules and Regulations 2016).


Ano nga ba ang Illegal Recruitment?


Ang illegal recruitment ay nakasaad sa Republic 8042 o mas kilala sa tawag na Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 na inamendahan naman ng Republic Act 10022.


Ang illegal recruitment ay anumang gawain na paghahanap, pagtatala, pangongontrata, pagpapadala, paggamit, pagha-hire o pagkuha ng mga manggagawa, kasama rin dito ang pag-refer, pangongontrata ng serbisyo na may kasamang pangako o pagpapalaganap ng trabaho dito sa loob o labas ng ating bansa kahit ito ay para kumita ng pera o hindi. Kasama rin dito ang kahit na sinong tao o kompanya na kahit sa anong pamamaraan ay naghahayag o nagbibigay ng pangako, na may kasamang bayad, ng trabaho sa dalawa o mas marami pang tao ay nangangahulugang sila ay nasa kalakalan ng pagrerecruit at placement.


Marami pang sitwasyon ang kasama rin sa depenisyon ng illegal recruitment kahit ito ay ginagawa ng sinumang tao, walang lisensya, may lisensya o may otoridad para mag recruit.


Ano ang parusa para sa mga natagpuang guilty sa pagsasagawa ng illegal recruitment?


Ang taong mapapatunayang guilty ng illegal recruitment ay makukulong sa hindi bababa ng anim na taon at isang araw at hindi tatagal ng 12 na taon at may kaukulang multa na 200,000 pesos ngunit hindi tataas sa 500,000 pesos.


Ang kaparusahan ng habang buhay na pagkakabilanggo at multa na hindi bababa sa 500,000 pesos ngunit hindi tataas sa 1,000,000 pesos ay ipapataw sa mga taong nahatulan na ginagawa ang illegal recruitment na katumbas ay economic sabotage.


Ang pinakamataas na parusa ay ipapataw kung ang biktima ay may edad na mas mababa sa 18 na taon o ang nag-recruit ay non-licensee or non-holder of authority.


Ano ang pwede gawin ng mga OFW kung malaman nila na illegal recruitment pala ang napasukan nila? (Para sa mga hindi pa nakaaalis ng Pilipinas)


Nagbibigay ng libreng legal assistance ang gobyerno sa pamamagitan ng legal assistance centers na naka-station sa mga international airports at iba pang exit points, o kahit sa POEA at DOLE Central at Regional Offices, para sa mga biktima ng illegal recruitment. Mayroong legal advice, assistance sa pag-prepare ng complaints at kung kinakailangan, mag-provide ng counseling sa preliminary investigations at hearings.


Maari silang mag-file ng report o complaint sa POEA in writing at under oath. Para sa mga biktima sa labas ng NCR, maaari nilang I-file ang kanilang mga reports or complaints sa Regional Office ng DOLE o ng POEA sa rehiyon nila. Ang mga report or complaint na matatanggap ng DOLE ay I-e-endorse nila sa POEA para sa tamang pag-e-evaluate.


Ano ang pwede gawin ng mga OFW kung malaman nila na illegal recruitment pala ang napasukan nila? (Sa mga kasalukuyang nakaalis na/nasa ibang bansa na)


Tumawag agad sa Philippine Embassy na nasa bansang kinaroroonan ng biktima. Sikapin na bago pa man umalis ay magkaroon ng pagkakataong makuha ang address at ang contact number ng Philippine Embassy upang sa mga ganitong sitwasyon, ma-co-contact niyo sila. Isalaysay ang mga nangyari, ang mga impormasyon tungkol sa agency na nag-recruit sa iyo at sa employer.


Kabayan, sa kaso ng illegal recruitment, kailangan maipakita ang ebidensiya at ng prosecution na ang mga taong sangkot dito ay nagbigay ng impresiyon na sila ay may otoridad o abilidad para maipadala ang mga OFW sa ibang bansa at ang mga worker na ito ay naniwala dahilan upang sila ay nagbigay ng kanilang pera para sa mga gastusin upang mai-proseso ang kanilang mga dokumento sa pagpunta sa abroad. [K]



252 views0 comments